Jeremiah
  Tagalog: Ang Biblia (1905)
  Jeremiah 7 [Commentary] [Map] Biblical Art and Illustrations
1 Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon na nagsasabi,
2 Ikaw ay tumayo sa pintuang-daan ng bahay ng Panginoon, at itanyag mo roon ang salitang ito, at iyong sabihin, Inyong dinggin ang salita ng Panginoon, ninyong lahat na nasa Juda, na nagsisipasok sa mga pintuang-daang ito upang magsisamba sa Panginoon.
3 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Inyong pabutihin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa, at akin kayong patatahanin sa dakong ito.
4 Huwag kayong magsitiwala sa mga kabulaanang salita, na nangagsasabi, Ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon, ay ang mga ito.
5 Sapagka't kung inyong lubos na pabubutihin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa; kung kayo'y lubos na magsisigawa ng kahatulan sa isang tao at sa kaniyang kapuwa.
6 Kung hindi ninyo pipighatiin ang makikipamayan, ang ulila, at ang babaing bao, at hindi kayo magbububo ng walang salang dugo sa dakong ito, o susunod man sa ibang mga dios sa inyong sariling kapahamakan.
7 Ay patatahanin ko nga kayo sa dakong ito, sa lupain na ibinigay ko sa inyong mga magulang mula ng una hanggang sa walang hanggan.
8 Narito, kayo'y nagsisitiwala sa mga kabulaanang salita, na hindi mapapakinabangan.
9 Kayo baga'y mangagnanakaw, magsisipatay, at mangangalunya at magsisisumpa ng kabulaanan, at mangagsusunog ng kamangyan kay Baal, at magsisisunod sa ibang mga dios na hindi ninyo nakikilala.
10 At magsisiparito at magsisitayo sa harap ko sa bahay na ito, na tinatawag sa aking pangalan, na mangagsasabi, Kami ay laya; upang inyong gawin ang lahat na kasuklamsuklam na ito?
11 Ang bahay bagang ito na tinawag sa aking pangalan, naging yungib ng mga tulisan sa harap ng inyong mga mata? Narito, ako, ako nga ang nakakita, sabi ng Panginoon.
12 Nguni't magsiparoon kayo ngayon sa aking dako na nasa Silo, na siyang aking pinagpatahanan ng aking pangalan nang una, at inyong tingnan kung ano ang aking ginawa dahil sa kasamaan ng aking bayang Israel.
13 At ngayon, sapagka't inyong ginawa ang lahat ng gawang ito, sabi ng Panginoon, at nagsalita ako sa inyo, na ako'y bumabangong maaga at nagsasalita, nguni't hindi ninyo dininig: at aking tinawag kayo, nguni't hindi kayo sumagot:
14 Kaya't gagawin ko sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, na inyong tinitiwalaan, at sa dakong ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, ang gaya ng aking ginawa sa Silo.
15 At akin kayong itatakuwil sa aking paningin, gaya ng pagkatakuwil ko sa lahat ninyong mga kapatid, sa buong binhi ni Ephraim.
16 Kaya't huwag mong idalangin ang bayang ito, ni palakasin man ang daing patungkol sa kanila ni dalangin man, o mamagitan man ikaw sa akin; sapagka't hindi kita didinggin.
17 Hindi mo ba nakikita kung ano ang kanilang ginagawa sa bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem?
18 Ang mga anak ay nangamumulot ng kahoy, at ang mga ama ay nangagpapaningas ng apoy, at ang mga babae ay nangagmamasa ng masa, upang igawa ng mga tinapay ang reina ng langit, at upang magbuhos ng mga handog na inumin sa ibang mga dios, upang kanilang mungkahiin ako sa galit.
19 Kanila baga akong minumungkahi sa galit? sabi ng Panginoon; hindi baga sila namumungkahi sa kanilang sarili sa ikalilito ng kanila ring mukha?
20 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, ang aking galit at ang aking kapusukan ay mabubuhos sa dakong ito, sa tao, at sa hayop, at sa mga punong kahoy sa parang, at sa bunga ng lupa: at masusupok, at hindi mapapatay.
21 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng Israel, Inyong idagdag ang inyong mga handog na susunugin sa inyong mga hain, at magsikain kayo ng laman.
22 Sapagka't hindi ako nagsalita sa inyong mga magulang, o nagutos man sa kanila nang araw na inilabas ko sila sa lupain ng Egipto, tungkol sa mga handog na susunugin, o sa mga hain:
23 Kundi ang bagay na ito ang iniutos ko sa kanila, na aking sinasabi, Inyong dinggin ang aking tinig, at ako'y magiging inyong Dios, at kayo'y magiging aking bayan; at magsilakad kayo sa lahat ng daan na iniuutos ko sa inyo, sa ikabubuti ninyo.
24 Nguni't hindi nila dininig, o ikiniling man ang kanilang pakinig, kundi nagsilakad sa kanilang sariling mga payo at sa pagmamatigas ng kanilang masamang puso, at nagsiyaong paurong at hindi pasulong.
25 Mula nang araw na ang inyong mga magulang ay magsilabas sa lupain ng Egipto hanggang sa araw na ito, aking sinugo sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na araw-araw ay bumabangon akong maaga at sinusugo ko sila:
26 Gayon ma'y hindi sila nangakinig sa akin, o nangagkiling man ng kanilang pakinig, kundi pinapagmatigas ang kanilang leeg: sila'y nagsigawa ng lalong masama kay sa kanilang mga magulang.
27 At iyong sasalitain ang lahat na salitang ito sa kanila; nguni't hindi sila mangakikinig sa iyo: iyo namang tatawagin sila; nguni't hindi sila magsisisagot sa iyo.
28 At iyong sasabihin sa kanila, Ito ang bansang hindi nakinig sa tinig ng Panginoon nilang Dios, o tumanggap man ng aral: katotohanan ay nawala, at nahiwalay sa kanilang bibig.
29 Iyong gupitin ang iyong buhok, Oh Jerusalem, at ihagis mo, at maglakas ka ng panaghoy sa mga luwal na kaitaasan; sapagka't itinakuwil ng Panginoon at nilimot ang lahat ng kaniyang poot.
30 Sapagka't nagsigawa ang mga anak ni Juda ng masama sa aking paningin, sabi ng Panginoon: kanilang inilagay ang kanilang mga kasuklamsuklam sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, upang lapastanganin.
31 At kanilang itinayo ang mga mataas na dako ng Topheth, na nasa libis ng anak ni Hinnom, upang sunugin ang kanilang mga anak na lalake at babae sa apoy; na hindi ko iniuutos, o pumasok man sa aking pagiisip.
32 Kaya't, narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na siya tatawaging Topheth, o ang libis ng anak ni Hinnom man, kundi Ang libis ng Patayan: sapagka't sila'y mangaglilibing sa Topheth, hanggang sa mawalan ng dakong mapaglilibingan.
33 At ang mga bangkay ng bayang ito ay magiging pinakapagkain sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa; at walang bubugaw sa mga yaon.
34 Kung magkagayo'y aking ipatitigil sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem, ang tinig ng kalayawan at ang tinig ng kasayahan, ang tinig ng kasintahang lalake at ang tinig ng kasintahang babae: sapagka't ang lupain ay masisira.
  Jeremiah 8 [Commentary] [Map] Biblical Art and Illustrations
1 Sa panahong yaon, sabi ng Panginoon, ay ilalabas nila ang mga buto ng mga hari sa Juda, at ang mga buto ng kaniyang mga prinsipe, at ang mga buto ng mga saserdote, at ang mga buto ng mga propeta, at ang mga buto ng mga nananahan sa Jerusalem, mula sa kanilang mga libingan;
2 At kanilang ikakalat sa liwanag ng araw, at ng buwan, at ng lahat na natatanaw sa langit na kanilang inibig, at kanilang pinaglingkuran, at siya nilang sinundan, at siyang kanilang hinanap, at siyang kanilang sinamba: hindi mangapipisan, o mangalilibing man, sila'y magiging pinakasukal sa ibabaw ng lupa.
3 At ang kamatayan ay pipiliin na higit kay sa kabuhayan ng lahat ng naiwang nalabi rito sa masamang angkan, na nalabi sa lahat ng dako na aking pinagtabuyan sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
4 Bukod dito'y sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon. Mangabubuwal baga ang mga tao, at hindi magsisibangon uli? maliligaw baga ang isa, at hindi babalik?
5 Bakit nga ang bayang ito na Jerusalem ay tumatalikod ng walang hanggang pagtalikod? sila'y nagsisihawak na mahigpit ng karayaan, sila'y nagsisitangging bumalik.
6 Aking pinakinggan at narinig ko, nguni't hindi sila nagsalita ng matuwid: walang nagsisisi ng kaniyang kasamaan, na nagsasabi, Anong aking ginawa? bawa't isa'y lumilihis sa kaniyang lakad, gaya ng kabayo na dumadaluhong sa pagbabaka.
7 Oo, nalalaman ng ciguena sa himpapawid ang kaniyang mga takdang kapanahunan; at ang bato bato at ang langaylangayan at ang tagak ay nangagmamalas ng panahon ng pagdating ng mga yaon; nguni't hindi nalalaman ng aking bayan ang alituntunin ng Panginoon.
8 Paano ninyo sinasabi, Kami ay pantas, at ang kautusan ng Panginoon ay sumasaamin? Nguni't, narito, ang sinungaling na pangsulat ng mga escriba ay sumulat na may kasinungalingan.
9 Ang mga pantas ay nangapapahiya, sila'y nanganglulupaypay at nangahuhuli: narito, kanilang itinakuwil ang salita ng Panginoon: at anong uri ng karunungan ang nasa kanila?
10 Kaya't ibibigay ko ang kanilang mga asawa sa mga iba, at ang kanilang mga parang sa mga magaari sa mga yaon: sapagka't bawa't isa mula sa kaliitliitan hanggang sa kalakilakihan, ay ibinigay sa kasakiman; mula sa propeta hanggang sa saserdote bawa't isa'y gumagawang may kasinungalingan.
11 At kanilang pinagaling ng kaunti ang sugat ng anak na babae ng aking bayan, na sinasabi, Kapayapaan, kapayapaan; gayon ma'y walang kapayapaan.
12 Nangahiya baga sila nang sila'y gumawa ng kasuklamsuklam? hindi, hindi sila nangahiya sa anoman, ni nangamula man sila: kaya't sila'y mangabubuwal sa gitna niyaong nangabubuwal; sa panahon ng pagdalaw sa kanila ay mahahagis sila, sabi ng Panginoon.
13 Aking lubos na lilipulin sila, sabi ng Panginoon: hindi magkakaroon ng mga ubas sa puno ng ubas, o ng mga higos man sa mga puno ng higos, at ang dahon ay malalanta; at ang mga bagay na aking naibigay sa kanila ay mapapawi sa kanila.
14 Bakit tayo'y nagsisitigil na nakaupo? kayo'y magkatipon, at tayo'y magsipasok sa mga bayang nakukutaan, at tayo'y magsitahimik doon; sapagka't tayo'y pinatahimik ng Panginoon nating Dios, at binigyan tayo ng inuming mapait upang inumin, sapagka't tayo'y nangagkasala laban sa Panginoon.
15 Tayo'y nangaghihintay ng kapayapaan, nguni't walang dumating na mabuti; at ng panahon ng kagalingan, at narito panglulupaypay!
16 Ang singasing ng kaniyang mga kabayo ay naririnig mula sa Dan: sa tinig ng halinghing ng kaniyang mga malakas ay nayayanig ang buong lupain; sapagka't sila'y nagsidating, at nilamon ang lupain at lahat ng naroon; ang bayan at yaong mga nagsisitahan doon.
17 Sapagka't, narito, ako'y magsusugo ng mga ahas, ng mga ulupong sa gitna ninyo, na hindi maeenkanto, at kakagatin nila kayo, sabi ng Panginoon.
18 Oh kung ako'y makapagaaliw laban sa kapanglawan! ang puso ko ay nanglulupaypay.
19 Narito, ang tinig ng hiyaw ng anak na babae ng aking bayan na mula sa lupain na totoong malayo: Hindi baga ang Panginoon ay nasa Sion? hindi baga ang kaniyang Hari ay nandoon? Bakit minungkahi nila ako sa galit ng kanilang mga larawang inanyuan, at ng mga walang kabuluhan ng iba?
20 Ang pagaani ay nakaraan, ang taginit ay lipas na, at tayo'y hindi ligtas.
21 Dahil sa sugat ng anak na babae ng aking bayan ay nasasakitan ako; ako'y luksa; ako'y natigilan.
22 Wala bagang balsamo sa Galaad? wala bagang manggagamot doon? bakit nga hindi gumaling ang anak na babae ng aking bayan?
  Ang Biblia
Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language)
Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia)
Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long.

This Bible is now Public Domain.

Imported from Zefania XML Bible Markup Language.



This Website is Copyright © 2005-2006 Biola University.
Biola does not hold the Copyright to any Biblical texts on this site.
Some Biblical texts on this site are in the Public Domain,
and others are Copyrighted by their Copyright holders.