Isaiah
  Tagalog: Ang Biblia (1905)
  Isaiah 49 [Commentary] [Map] Biblical Art and Illustrations
1 Kayo'y magsipakinig sa akin, Oh mga pulo; at inyong pakinggan, ninyong mga bayan, sa malayo: tinawag ako ng Panginoon mula sa bahay-bata; mula sa bahay-bata ng aking ina ay binanggit niya ang aking pangalan:
2 At kaniyang ginawa ang aking bibig na parang matalas na tabak; sa lilim ng kaniyang kamay ay ikinubli niya ako: at ginawa niya akong makinang na pana; sa kaniyang lalagyan ng pana ay itinago niya ako:
3 At sinabi niya sa akin, Ikaw ay aking lingkod; Israel, na siyang aking ikaluluwalhati.
4 Nguni't aking sinabi, Ako'y gumawang walang kabuluhan, aking ginugol ang aking lakas sa wala, at sa walang kabuluhan; gayon ma'y tunay na ang kahatulan sa akin ay nasa Panginoon, at ang kagantihan sa akin ay nasa aking Dios.
5 At ngayo'y sinasabi ng Panginoon na naganyo sa akin mula sa bahay-bata upang maging kaniyang lingkod, upang dalhin uli ang Jacob sa kaniya, at ang Israel ay mapisan sa kaniya: (sapagka't ako'y marangal sa mga mata ng Panginoon, at ang aking Dios ay naging aking kalakasan;)
6 Oo, kaniyang sinasabi, Totoong magaan ang bagay na ikaw ay naging aking lingkod upang ibangon ang mga lipi ng Jacob, at isauli ang iningatan ng Israel, ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga Gentil upang ikaw ay maging aking kaligtasan hanggang sa wakas ng lupa.
7 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Manunubos ng Israel, na kaniyang Banal, doon sa hinahamak ng tao, doon sa kinayayamutan ng bansa, sa lingkod ng mga pinuno, Ang mga hari at ang mga pangulo, ay mangakakakita at magsisibangon, at sila'y magsisisamba; dahil sa Panginoon na tapat, sa Banal ng Israel, na siyang pumili sa iyo.
8 Ganito ang sabi ng Panginoon, Sa kalugodlugod na panahon ay sinagot kita, at sa araw ng pagliligtas ay tinulungan kita: at aking iningatan ka, at ibibigay kita na pinakatipan sa bayan, upang ibangon ang lupain, upang ipamana sa kanila ang mga sirang mana;
9 Na nagsasabi sa kanilang nangabibilanggo, Kayo'y magsilabas; sa kanilang nangasa kadiliman, Pakita kayo. Sila'y magsisikain sa mga daan, at ang lahat na luwal na kaitaasan ay magiging kanilang pastulan.
10 Sila'y hindi mangagugutom, o mangauuhaw man; at hindi man sila mangapapaso ng init, o ng araw man: sapagka't siyang may awa sa kanila ay papatnubay sa kanila, sa makatuwid baga'y sa tabi ng mga bukal ng tubig ay papatnubayan niya sila.
11 At aking gagawing daan ang lahat ng aking mga bundok, at ang aking mga lansangan ay patataasin.
12 Narito, ang mga ito'y manggagaling sa malayo; at, narito, ang mga ito ay mula sa hilagaan, at mula sa kalunuran; at ang mga ito ay mula sa lupain ng Sinim.
13 Ikaw ay umawit, Oh langit; at magalak, Oh lupa; at kayo'y biglang magsiawit, Oh mga bundok: sapagka't inaliw ng Panginoon ang kaniyang bayan, at mahahabag sa kaniyang nagdadalamhati.
14 Nguni't sinabi ng Sion, Pinabayaan ako ni Jehova, at nilimot ako ng Panginoon.
15 Malilimutan ba ng babae ang kaniyang batang pasusuhin; na siya'y hindi mahahabag sa anak ng kaniyang bahay-bata? oo, ito'y makalilimot, nguni't hindi kita kalilimutan.
16 Narito aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay; ang iyong mga kuta ay laging nangasa harap ko.
17 Ang iyong mga anak ay mangagmamadali; ang mga manghahamak sa iyo at ang sumisira sa iyo ay aalis sa iyo.
18 Imulat mo ang iyong mga mata sa palibot, at tingnan mo: lahat ng mga ito ay nagpipipisan, at naparirito sa iyo. Buhay ako, sabi ng Panginoon, ikaw ay mabibihisan ng lahat ng mga yaon, na parang pinakagayak, at mabibigkisan ka ng mga yaon na parang isang kasintahang babae.
19 Sapagka't tungkol sa iyong mga sira at sa iyong mga gibang dako at sa iyong lupain na nawasak, tunay na ikaw ngayon ay magiging totoong napakakipot sa mga mananahan, at silang nagsisisakmal sa iyo ay mangalalayo.
20 Ang mga anak ng inyong kapanglawan ay mangagsasabi pa sa iyong mga pakinig, Ang dako ay totoong makipot sa ganang akin: bigyan mo ako ng dako upang aking matahanan.
21 Kung magkagayo'y sasabihin mo sa iyong sarili, Sinong nanganak ng mga ito sa akin, dangang nawalan ako ng aking mga anak, at ako'y nagiisa, tapon, at lumalaboy na paroo't parito? at sinong nagpalaki ng mga ito? Narito, ako'y naiwang magisa; mga ito, saan nangandoon?
22 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, aking ikakaway ang aking kamay sa mga bansa, at itatayo ko ang aking watawat sa mga bayan; at sila'y kakalong ng iyong mga anak na lalake sa kanilang sinapupunan, at ang iyong mga anak na babae ay papasanin ng kanilang mga balikat.
23 At mga hari ang magiging iyong mga taga kandiling ama, at ang kanilang mga reina, ay iyong mga taga kandiling ina: sila'y magsisiyukod sa iyo ng kanilang mga mukha sa lupa, at hihimuran ang alabok ng inyong mga paa: at iyong makikilala, na ako ang Panginoon, at ang nangaghihintay sa akin ay hindi mangapapahiya.
24 Makukuha baga ang huli sa makapangyarihan, o maliligtas ang mga talagang nabihag?
25 Nguni't ganito ang sabi ng Panginoon, Pati ng mga bihag ng makapangyarihan ay kukunin, at ang huli ng kakilakilabot ay maliligtas; sapagka't ako'y makikipaglaban sa kaniya na nakikipaglaban sa iyo, at aking ililigtas ang iyong mga anak.
26 At aking pakakanin silang nagsisipighati sa iyo ng kanilang sariling laman; at sila'y mangalalango ng kanilang sariling dugo, na gaya ng matamis na alak: at makikilala ng lahat ng tao, na akong Panginoon ay iyong Tagapagligtas, at iyong Manunubos, na Makapangyarihan ng Jacob.
  Isaiah 50 [Commentary] Biblical Art and Illustrations
1 Ganito ang sabi ng Panginoon, Saan nandoon ang sulat ng pagkakahiwalay ng iyong ina, na aking ipinaghiwalay sa kaniya? o sa kanino sa mga nagpapautang sa akin ipinagbili kita? Narito, dahil sa inyong mga kasamaan ay naipagbili kayo, at dahil sa inyong mga pagsalangsang ay nahiwalay ang inyong ina.
2 Bakit, nang ako'y parito, ay walang tao? nang ako'y tumawag, ay walang sumagot? naging maiksi na baga ang aking kamay na hindi makatubos? o wala akong kapangyarihang makapagligtas? Narito, sa saway ko ay aking tinutuyo ang dagat, aking pinapaging ilang ang mga ilog: ang kanilang isda ay bumabaho, sapagka't walang tubig, at namamatay dahil sa uhaw.
3 Aking binibihisan ng kaitiman ang langit at aking ginagawang kayong magaspang ang kaniyang takip.
4 Binigyan ako ng Panginoong Dios ng dila ng nangaturuan, upang aking maalaman kung paanong aaliwin ng mga salita siyang nanglulupaypay. Siya'y nagigising tuwing umaga, ginigising niya ang aking pakinig upang makinig na gaya ng mga natuturuan.
5 Binuksan ng Panginoong Dios ang aking pakinig, at ako'y hindi naging mapanghimagsik, o tumalikod man.
6 Aking ipinain ang aking likod sa mga mananakit, at ang aking mga pisngi sa mga bumabaltak ng balbas; hindi ko ikinubli ang aking mukha sa kahihiyan at sa paglura.
7 Sapagka't tutulungan ako ng Panginoong Dios; kaya't hindi ako nalito: kaya't inilagay ko ang aking mukha na parang batong pingkian, at talastas ko na hindi ako mapapahiya.
8 Siya'y malapit na nagpapatotoo sa akin; sinong makikipaglaban sa akin? tayo'y magsitayong magkakasama: sino ang aking kaaway? bayaang lumapit siya sa akin.
9 Narito, tutulungan ako ng Panginoong Dios; sino siya na hahatol sa akin? narito, silang lahat ay mangalulumang parang bihisan; lalamunin sila ng tanga.
10 Sino sa inyo ang natatakot sa Panginoon, na sumusunod sa tinig ng kaniyang lingkod? Siyang lumalakad sa kadiliman, at walang liwanag, tumiwala siya sa pangalan ng Panginoon, at umasa sa kaniyang Dios.
11 Narito, kayong lahat na nangagsusulsol ng apoy, na kumukubkob ng mga sulo: magsilakad kayo sa liyab ng inyong apoy, at sa gitna ng mga sulo na inyong pinagalab. Ito ang tatamuhin ninyo sa aking kamay; kayo'y hihiga sa kapanglawan.
  Isaiah 51 [Commentary] [Map] Biblical Art and Illustrations
1 Kayo'y magsipakinig sa akin, kayong nagsisisunod sa katuwiran, kayong nagsisihanap sa Panginoon: magsitingin kayo sa malaking bato na inyong kinaputulan, at sa luwang ng hukay na kinahukayan sa inyo.
2 Tingnan ninyo si Abraham na inyong ama, at si Sara na nanganak sa inyo; sapagka't nang siya'y iisa ay tinawag ko siya, at aking pinagpala siya, at aking pinarami siya.
3 Sapagka't inaliw ng Panginoon ang Sion; kaniyang pinasaya ang lahat niyang sirang dako, at ginawa niyang parang Eden ang kaniyang ilang, at ang kaniyang lupang masukal ay parang halamanan ng Panginoon; kagalakan at kasayahan ay masusumpungan doon, pagpapasalamat, at tinig na mainam.
4 Makinig ka sa akin, Oh bayan ko; at pakinggan mo ako, Oh bansa ko: sapagka't isang kautusan ay magmumula sa akin, at ang aking kahatulan ay gagawin kong pinakaliwanag sa mga bayan.
5 Ang katuwiran ko ay malapit, ang aking pagliligtas ay lumabas, at hahatol ang aking mga bisig sa mga bayan; ang mga pulo ay magsisipaghintay sa akin, at sa aking bisig ay magsisitiwala sila.
6 Itingin ninyo ang inyong mga mata sa mga langit, at magsitungo kayo sa lupa sa ibaba; sapagka't ang mga langit ay mapapawing parang usok, at ang lupa ay malulumang parang bihisan; at silang nagsisitahan doon ay mangamamatay ng gayon ding paraan: nguni't ang pagliligtas ko ay magpakailan man, at ang aking katuwiran ay hindi mawawakasan.
7 Inyong pakinggan ako, ninyong nakakaalam ng katuwiran, bayan na ang puso ay kinaroonan ng aking kautusan; huwag ninyong katakutan ang pula ng mga tao, o manglupaypay man kayo sa kanilang mga paglait.
8 Sapagka't sila'y lalamunin ng tanga na parang bihisan, at kakanin sila ng uod na parang bihisan na balahibo ng tupa; nguni't ang aking katuwiran ay magiging magpakailan man, at ang aking pagliligtas ay sa lahat ng sali't saling lahi.
9 Gumising ka, gumising ka, magbihis ka ng kalakasan, Oh bisig ng Panginoon; gumising ka na gaya nang kaarawan noong una, nang mga lahi ng mga dating panahon. Hindi baga ikaw ang pumutol ng Rahab, na sumaksak sa buwaya?
10 Hindi baga ikaw ang tumuyo sa dagat, sa tubig ng malaking kalaliman; na iyong pinapaging daan ang kalaliman ng dagat upang daanan ng natubos?
11 At ang mga tinubos ng Panginoon ay magsisibalik, at magsisiparoong may awitan sa Sion; at walang hanggang kagalakan ay sasa kanilang mga ulo: sila'y mangagtatamo ng kasayahan at kagalakan; at ang kapanglawan at pagbubungtong-hininga ay tatakas.
12 Ako, ako nga, ay siyang umaaliw sa inyo: sino ka na natatakot sa tao na mamamatay at sa anak ng tao na gagawing parang damo;
13 At iyong kinalimutan ang Panginoon na May-lalang sa iyo, na nagladlad ng mga langit, at naglalagay ng mga patibayan ng lupa; at ikaw ay natatakot na lagi buong araw dahil sa pusok ng mamimighati, pagka siya'y nagmamadali upang gumiba? at saan nandoon ang pusok ng mamimighati?
14 Ang bihag na tapon ay madaling bibitawan; at hindi mamamatay at bababa sa hukay, o magkukulang man ang kaniyang tinapay.
15 Sapagka't ako ang Panginoon mong Dios, na nagpapahugong sa dagat, na ang mga alon niyao'y humuhugong: ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang kaniyang pangalan.
16 At inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig, at tinakpan kita sa lilim ng aking kamay, upang aking mailadlad ang mga langit, at mailagay ang mga patibayan ng lupa, at magsabi sa Sion, Ikaw ay aking bayan.
17 Gumising ka, gumising ka, tumayo ka, Oh Jerusalem, na uminom ka sa kamay ng Panginoon sa saro ng kaniyang kapusukan; iyong ininuman ang saro ng pangpagiray, at iyong sinaid.
18 Walang pumatnubay sa kaniya sa lahat na anak na kaniyang ipinanganak; o may humawak man sa kaniya sa kamay sa lahat na anak na kaniyang pinalaki.
19 Ang dalawang bagay na ito ay nangyari sa iyo; sinong makikidamdam sa iyo? kagibaan, at kasiraan, at ang kagutom at ang tabak; paanong aaliwin kita?
20 Ang iyong mga anak ay nanganglupaypay, sila'y nangahihiga sa dulo ng lahat na lansangan, na gaya ng isang usa sa isang silo; sila'y puspos ng kapusukan ng Panginoon, ng saway ng iyong Dios.
21 Kaya't pakinggan mo ito ngayon, ikaw na nagdadalamhati, at lango, nguni't hindi ng alak:
22 Ganito ang sabi ng iyong Panginoon na Jehova, at ng iyong Dios na nagsasanggalang ng usap ng kaniyang bayan, Narito, aking inalis sa iyong kamay ang saro na pangpagiray, ang saro nga ng aking kapusukan; hindi ka na iinom pa:
23 At aking ilalagay sa kamay nila na nagsisidalamhati sa iyo, na nakapagsabi sa iyong kaluluwa, Ikaw ay dumapa upang kami ay dumaan, at iyong inilagpak ang iyong likod na parang lupa, at parang lansangan sa kanilang nagdaraan.
  Isaiah 52 [Commentary] [Map] Biblical Art and Illustrations
1 Gumising ka, gumising ka, magsuot ka ng iyong kalakasan, Oh Sion; magsuot ka ng iyong mga magandang damit, Oh Jerusalem, na bayang banal: sapagka't mula ngayo'y hindi na papasok pa sa iyo ang hindi tuli at ang marumi.
2 Magpagpag ka ng alabok; ikaw ay bumangon, umupo ka sa iyong luklukan, Oh Jerusalem: magkalag ka ng mga tali ng iyong leeg, Oh bihag na anak na babae ng Sion.
3 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo'y naipagbili sa wala; at kayo'y matutubos ng walang salapi.
4 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ang bayan ko ay bumaba noong una sa Egipto upang makipamayan doon: at pinighati sila ng mga taga Asiria ng walang kadahilanan.
5 Ngayon nga, anong ginagawa ko rito, sabi ng Panginoon, yamang ang aking bayan ay dinala ng walang anoano? silang nangagpupuno sa kanila ay nagsisiungal, sabi ng Panginoon, at ang aking pangalan ay natutungayaw na lagi buong araw,
6 Kaya't makikilala ng aking bayan ang aking pangalan: kaya't matatalastas nila sa araw na yaon, na ako yaong nagsasalita; narito, ako nga.
7 Anong pagkaganda sa mga bundok ng mga paa niyaong nagdadala ng mga mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nangagdadala ng mga mabuting balita sa ikabubuti, na nagtatanyag ng kaligtasan, na nagsasabi sa Sion, Ang iyong Dios ay naghahari!
8 Ang tinig ng iyong mga bantay! sila'y naglalakas ng tinig, na magkakasamang nagsisiawit; sapagka't sila'y makakakita ng mukhaan pagka ang Panginoon ay bumalik sa Sion.
9 Kayo'y magbiglang magalak, kayo'y magsiawit na magkakasama, kayong mga sirang dako ng Jerusalem; sapagka't inaliw ng Panginoon ang kaniyang bayan, kaniyang tinubos ang Jerusalem.
10 Hinubdan ng Panginoon ang kaniyang banal na bisig sa harap ng mga mata ng lahat na bansa; at makikita ng lahat na wakas ng lupa ang pagliligtas ng ating Dios.
11 Kayo'y magsiyaon, kayo'y magsiyaon, kayo'y magsialis doon, huwag kayong magsisihipo ng maruming bagay; kayo'y magsilabas sa gitna niya; kayo'y mangagpakalinis, kayong nangagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon.
12 Sapagka't kayo'y hindi magsisilabas na nagmamadali, o magsisilabas man kayo na takas: sapagka't ang Panginoon ay magpapauna sa inyo; at ang Dios ng Israel ay magiging inyong bantay likod.
13 Narito, ang lingkod ko ay gagawang may karunungan, siya'y mabubunyi, at malalagay na mataas, at magiging napakataas.
14 Kung paanong marami ang natigilan dahil sa iyo (ang kaniyang mukha ay napakakatuwa kay sa kaninomang lalake, at ang kaniyang anyo ay higit na kumatuwa kay sa mga anak ng mga tao),
15 Gayon siya magwiwisik sa maraming bansa; ang mga hari ay magtitikom ng kanilang mga bibig dahil sa kaniya: sapagka't ang hindi nasaysay sa kanila ay kanilang makikita; at ang hindi nila narinig ay kanilang mauunawa.
  Ang Biblia
Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language)
Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia)
Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long.

This Bible is now Public Domain.

Imported from Zefania XML Bible Markup Language.



This Website is Copyright © 2005-2006 Biola University.
Biola does not hold the Copyright to any Biblical texts on this site.
Some Biblical texts on this site are in the Public Domain,
and others are Copyrighted by their Copyright holders.