Isaiah
  Tagalog: Ang Biblia (1905)
  Isaiah 13 [Commentary] [Map] Biblical Art and Illustrations
1 Ang hula tungkol sa Babilonia na nakita ni Isaias na anak ni Amoz.
2 Kayo'y mangaglagay ng isang watawa't sa bundok, na walang punong kahoy, mangaglakas kayo ng tinig sa kanila, inyong senyasan ng kamay, upang sila'y magsipasok sa mga pintuang-bayan ng mga mahal na tao.
3 Aking inutusan ang aking mga itinalaga, oo, aking tinawag ang aking mga makapangyarihang lalake dahil sa aking galit, sa makatuwid baga'y ang nangagagalak sa aking kamahalan.
4 Ang ingay ng karamihan sa mga bundok, gaya ng malaking bayan: ang ingay ng kagulo ng mga kaharian ng mga bansa na nagpipisan! pinipisan ng Panginoon ng mga hukbo ang hukbo ukol sa pagbabaka.
5 Sila'y nangagmumula sa malayong lupain, mula sa kaduluduluhang bahagi ng langit, sa makatuwid baga'y ang Panginoon, at ang mga almas ng kaniyang galit, upang gibain ang buong lupain.
6 Magsiangal kayo; sapagka't ang araw ng Panginoon ay malapit na; darating na pinaka paggiba na mula sa Makapangyarihan sa lahat.
7 Kaya't lahat ng kamay ay manghihina, at bawa't puso ng tao ay manglulumo:
8 At sila'y manglulupaypay; mga pagdaramdam at mga kapanglawan ay dadanasin nila; sila'y mangaghihirap na gaya ng babae sa pagdaramdam: mangagkakatigilan; ang kanilang mga mukha ay magiging parang liyab.
9 Narito, ang kaarawan ng Panginoon ay dumarating, mabagsik, na may poot at mabangis na galit; upang gawin kagibaan ang lupa, at upang lipulin mula roon ang mga makasalanan niyaon.
10 Sapagka't ang mga bituin ng langit at ang mga gayak niyaon, hindi magbibigay ng kanilang liwanag: ang araw ay magdidilim sa kaniyang pagsikat, at hindi pasisilangin ng buwan ang kaniyang liwanag.
11 At aking parurusahan ang sanglibutan dahil sa kanilang kasamaan, at ang mga masama dahil sa kanilang kabalakyutan; at aking patitigilin ang kahambugan ng palalo, at aking ibababa ang kapalaluan ng kakilakilabot.
12 At aking gagawin ang isang lalake ay maging mahalaga kay sa dalisay na ginto, ang tao na higit kay sa dalisay na ginto ng Ophir.
13 Kaya't aking panginginigin ang mga langit, at ang lupa ay yayanigin mula sa kinaroroonan sa poot ng Panginoon ng mga hukbo, at sa kaarawan ng kaniyang mabangis na galit,
14 At mangyayari, na kung paano ang usang hinahabol, at kung paano ang mga tupa na walang pumisan, ay magsisibalik sila bawa't isa sa kaniyang sariling bayan, at tatakas bawa't isa sa kaniyang sariling lupain.
15 Bawa't masusumpungan ay palalagpasan; at bawa't nahuli ay mabubuwal sa tabak.
16 Ang kanilang mga sanggol ay pagluluraylurayin sa harap ng kanilang mga mata; ang kanilang mga bahay ay sasamsaman, at ang kanilang mga asawa ay dadahasin.
17 Narito, aking hihikayatin ang mga Medo laban sa kanila, na hindi magpapakundangan sa pilak, at tungkol sa ginto, hindi nila kaluluguran.
18 At pagluluraylurayin ng kanilang mga busog ang mga binata; at sila'y hindi maaawa sa bunga ng bahay-bata; ang kanilang mata ay hindi mahahabag sa mga bata.
19 At ang Babilonia, ang kaluwalhatian ng mga kaharian, ang ganda ng kapalaluan ng mga Caldeo, ay magiging gaya nang gibain ng Dios ang Sodoma at Gomorra.
20 Hindi matatahanan kailan man, ni di tatahanan sa buong panahon: ni di magtatayo roon ang taga Arabia ng tolda; ni di pahihigain doon ng mga pastor ang kanilang kawan.
21 Kundi mga maiilap na hayop sa ilang ang magsisihiga roon; at ang kanilang mga bahay ay mangapupuno ng mga hayop na nagsisiungal; at mga avestruz ay magsisitahan doon, at ang mga lalaking kambing ay magluluksuhan roon.
22 At ang mga lobo ay magsisihiyaw sa kanilang mga moog, at ang mga chakal sa mga maligayang palasio: at ang kanilang panahon ay malapit nang sumapit, at ang kanilang mga kaarawan ay hindi magtatagal.
  Isaiah 14 [Commentary] [Map] Biblical Art and Illustrations
1 Sapagka't ang Panginoon ay maaawa sa Jacob, at kaniyang pipiliin pa ang Israel, at ilalagay sila sa kanilang sariling lupain: at ang taga ibang lupa ay lalakip sa kanila, at sila'y masasanib sa sangbahayan ni Jacob.
2 At kukunin sila ng mga tao, at dadalhin sila sa kanilang dako: at aariin sila ng sangbahayan ng Israel sa lupain ng Panginoon, na mga pinakaaliping lalake at babae: at kanilang bibihagin sila, na nagsibihag sa kanila; at mangagpupuno sila sa mga mamimighati sa kanila.
3 At mangyayari, sa araw na bibigyan ka ng Panginoon ng kapahingahan sa iyong kapanglawan, at sa iyong kabagabagan, at sa mabigat na paglilingkod na ipinapaglingkod sa iyo,
4 Na iyong gagamitin ang talinghagang ito laban sa hari sa Babilonia, at iyong sasabihin, Kung paano ang mamimighati ay naglikat! ang bayang ginto ay naglikat!
5 Binali ng Panginoon ang tungkod ng masama, ang cetro ng mga pinuno;
6 Siya na sumakit ng mga tao sa poot ng walang likat na bugbog, na nagpuno sa mga bansa sa galit, na may pag-uusig na hindi pinigil ng sinoman.
7 Ang buong lupa ay nasa katiwasayan, at tahimik: sila'y biglang nagsisiawit.
8 Oo, ang mga puno ng cipres ay nagagalak dahil sa iyo, at ang mga cedro sa Libano, na nangagsasabi, Mula nang ikaw ay malugmok wala nang mamumutol na umaahon laban sa amin.
9 Ang Sheol mula sa ibaba ay nakikilos sa iyo upang salubungin ka sa iyong pagdating; nangapupukaw ang mga patay dahil sa iyo, sa makatuwid baga'y ang lahat na pinakapangulo sa lupa; nagsitindig mula sa kanilang mga luklukan ang lahat ng hari ng mga bansa.
10 Silang lahat ay magsisisagot at mangagsasabi sa iyo, Pati ba ikaw ay naging mahinang gaya namin? ikaw ba'y naging gaya namin?
11 Ang iyong kahambugan ay nababa sa Sheol pati ng tunog ng iyong mga biola: ang uod ay nangangalat sa ilalim mo, at tinatakpan ka ng mga uod.
12 Ano't nahulog ka mula sa langit, Oh tala sa umaga, anak ng umaga! paanong ikaw ay lumagpak sa lupa, ikaw na siyang nagpahina sa mga bansa!
13 At sinabi mo sa iyong sarili, Ako'y sasampa sa langit, aking itataas ang aking luklukan sa itaas ng mga bituin ng Dios; at ako'y uupo sa bundok ng kapisanan, sa mga kaduluduluhang bahagi ng hilagaan:
14 Ako'y sasampa sa itaas ng mga kaitaasan ng mga alapaap; ako'y magiging gaya ng Kataastaasan.
15 Gayon ma'y mabababa ka sa Sheol, sa mga kaduluduluhang bahagi ng hukay.
16 Silang nangakakakita sa iyo ay magsisititig sa iyo, kanilang mamasdan ka, na mangagsasabi, Ito baga ang lalake na nagpayanig ng lupa, na nagpauga ng mga kaharian;
17 Na ginawang gaya ng ilang ang sanglibutan, at gumiba ng mga bayan nito; na hindi nagpakawala ng kaniyang mga bilanggo upang magsiuwi?
18 Lahat ng mga hari ng mga bansa, silang lahat, nangatutulog sa kaluwalhatian, bawa't isa'y sa kaniyang sariling bahay.
19 Nguni't ikaw ay natapon mula sa iyong libingan na gaya ng kasuklamsuklam na sanga, gaya ng bihisan ng mga patay, na tinaga ng tabak, na bumaba sa mga bato ng hukay: gaya ng bangkay na nayapakan ng paa.
20 Ikaw ay hindi malalakip sa kanila sa libingan, sapagka't iyong sinira ang iyong lupain, iyong pinatay ang iyong bayan; ang angkan ng mga manggagawa ng kasamaan ay hindi lalagi magpakailan man.
21 Mangaghanda kayo na pumatay sa kanilang mga anak dahil sa kasamaan ng kanilang mga magulang; upang sila'y huwag magsibangon, at ariin ang lupain, at punuin ang ibabaw ng lupa ng mga bayan.
22 At ako'y babangon laban sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ihihiwalay ko sa Babilonia ang pangalan at ang nalabi, at ang anak at ang anak ng anak, sabi ng Panginoon.
23 Akin namang gagawing pinakaari ng hayop na erizo, at mga lawa ng tubig: at aking papalisin ng pangpalis na kagibaan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
24 Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumumpa, na nagsabi, Tunay na kung ano ang iniisip ko, gayon ang mangyayari; at kung ano ang aking pinanukala, gayon mananayo:
25 Na aking lalansagin ang taga Asiria sa aking lupain, at sa aking mga bundok ay yayapakan ko siya sa ilalim ng paa; kung magkagayo'y mahihiwalay ang kaniyang atang sa kanila, at ang ipinasan niya ay mahihiwalay sa kanilang balikat.
26 Ito ang panukala na aking pinanukala sa buong lupa: at ito ang kamay na umunat sa lahat ng mga bansa.
27 Sapagka't pinanukala ng Panginoon ng mga hukbo, at sinong wawala ng kabuluhan? at ang kaniyang kamay na nakaunat, at sinong maguurong?
28 Nagkaroon ng hulang ito nang taong mamatay ang haring Achaz.
29 Ikaw ay huwag magalak, ikaw na buong Filistia, sa pagkabali ng pamalo na sumakit sa iyo: sapagka't sa ahas ay lalabas ang ulupong, at ang kaniyang anak ay magiging mabangis na ahas na lumilipad.
30 At ang panganay ng dukha ay kakain, at ang mapagkailangan ay mahihigang tiwasay: at aking papatayin ng gutom ang iyong angkan, at ang nalabi sa iyo ay papatayin.
31 Ikaw ay umungal, Oh pintuang-bayan; ikaw ay humiyaw, Oh bayan; ikaw ay napugnaw, Oh ikaw na buong Filistia; sapagka't lumalabas ang usok na mula sa hilagaan, at walang malalabi sa kaniyang mga takdang panahon.
32 Ano nga ang isasagot sa mga sugo ng bansa? Na itinayo ng Panginoon ang Sion, at doon nanganganlong ang nagdadalamhati sa kaniyang bayan.
  Isaiah 15 [Commentary] [Map] Biblical Art and Illustrations
1 Ang hula tungkol sa Moab. Sapagka't sa isang gabi ang Ar ng Moab ay nagiba, at nawalan ng kabuluhan; sapagka't sa isang gabi ay nagiba ang Kir ng Moab, at nawalan ng kabuluhan.
2 Siya'y umahon sa Bayith, at sa Dibon, sa mga mataas na dako, upang umiyak: ang Moab ay umaangal sa Nebo, at sa Medeba: lahat nilang ulo ay kalbo, bawa't balbas ay gupit.
3 Sa kanilang mga lansangan ay nangagbibigkis sila ng kayong magaspang: sa kanilang mga bubungan, at sa kanilang mga luwal na dako, umaangal ang bawa't isa, na umiiyak ng di kawasa.
4 At ang Hesbon ay humihiyaw, at ang Eleale; ang kanilang tinig ay naririnig hanggang sa Jahas: kaya't ang mga lalaking nangasasakbatan sa Moab ay nagsihiyaw ng malakas; ang kaniyang kalooban ay nagugulumihanan.
5 Ang aking puso ay dumadaing dahil sa Moab, ang kaniyang mga mahal na tao ay nagsisitakas sa Zoar, sa Eglat-selisiyah: sapagka't sa ahunan sa Luhith ay nagsisiahon silang may iyakan: sapagka't sa daan ng Horonaim ay nagsisihagulhol sila sa kapahamakan.
6 Sapagka't ang tubig ng Nimrim ay natuyo, sapagka't ang damo ay natuyo, ang sariwang damo ay nalalanta, walang sariwang bagay.
7 Kaya't ang kasaganaan na kanilang tinamo, at ang kanilang tinipon, ay kanilang dadalhin sa mga batis ng mga kahoy na sauce.
8 Sapagka't ang daing ay lumilipana sa mga hangganan ng Moab; ang angal niya ay hanggang sa Eglaim, at ang angal niya ay hanggang sa Beer-elim.
9 Sapagka't ang tubig ng Dimon ay nahaluan ng dugo: sapagka't magpapasapit pa ako sa Dimon ng isang leon na nakatanan sa Moab, at sa nalabi sa lupain.
  Isaiah 16 [Commentary] [Map]
1 Ipadadala ninyo ang mga kordero na ukol sa pinuno ng lupain mula sa Selah na nasa dakong ilang, hanggang sa bundok ng anak na babae ng Sion.
2 Sapagka't mangyayari, na gaya ng mga ibong nagsisigala, na gaya ng kalat na pugad, magiging gayon ang mga anak na babae ng Moab sa mga tawiran ng Arnon.
3 Magpayo ka, magsagawa ka ng kahatulan; iyong gawin ang iyong anino na gaya ng gabi sa gitna ng katanghaliang tapat: ikubli mo ang mga tapon; huwag mong ilitaw ang palaboy.
4 Patirahin mong kasama mo ang aking natapon; tungkol sa Moab, maging kanlungan ka niya sa mukha ng mananamsam: sapagka't ang mamimighati ay mauuwi sa wala, ang pagsamsam ay matitigil, ang mga mamimighati ay malilipol sa lupain.
5 At ang luklukan ay matatatag sa kagandahang-loob, at isa'y uupo roon sa katotohanan, sa tabernakulo ni David; na humahatol at humahanap ng kahatulan, at nagmamadaling nagsasagawa ng katuwiran.
6 Aming nabalitaan ang kapalaluan ng Moab, na siya'y totoong palalo; ang kaniyang kahambugan, at ang kaniyang kapalaluan, at ang kaniyang poot, ang kaniyang paghahambog ay nauuwi sa wala.
7 Kaya't aangal ang Moab dahil sa Moab, bawa't isa'y aangal: dahil sa mga binilong pasas ng Kirhareseth ay mananangis kayong lubha na nangamamanglaw.
8 Sapagka't ang mga bukid ng Hesbon ay nanghihina, at ang ubasan ng Sibma; sinira ng mga mahal na tao ng mga bansa ang mga piling pananim niyaon; sila'y nagsisapit hanggang sa Jazer, sila'y nagsilaboy sa ilang; ang kaniyang mga sanga ay nangalaladlad, sila'y nagsitawid sa dagat.
9 Kaya't iiyak ako ng iyak ng Jazer dahil sa puno ng ubas ng Sibma: aking didiligin ka ng aking mga luha, Oh Hesbon, at Eleale; sapagka't sa iyong mga bunga ng taginit at sa iyong pagaani, dumating ang hiyaw sa pakikipagbaka.
10 At ang kasayahan ay naalis, at ang kagalakan sa mainam na bukid; at sa mga ubasan ay hindi magkakaroon ng mga awitan, o masayang kaingay man: walang manyayapak na gagawa ng alak sa alakan; aking pinatigil ang awitan sa pagaani.
11 Kaya't ang aking tiyan ay tumutunog na parang alpa dahil sa Moab, at ang aking mga lamang-loob dahil sa Kir-hares.
12 At mangyayari, pagka ang Moab ay humarap, pagka siya'y napagod sa mataas na dako, at paroroon sa kaniyang santuario upang dumalangin, ay hindi siya mananaig.
13 Ito ang salita na sinalita ng Panginoon tungkol sa Moab sa panahong nakaraan.
14 Nguni't ngayo'y nagsalita ang Panginoon, na nagsasabi, Sa loob ng tatlong taon, na gaya ng mga taon ng isang upahan, ay mawawalang kabuluhan ang kaluwalhatian ng Moab sangpu ng lahat niyang karamihan; at ang nalabi ay mangangaunti at walang halaga.
  Ang Biblia
Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language)
Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia)
Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long.

This Bible is now Public Domain.

Imported from Zefania XML Bible Markup Language.



This Website is Copyright © 2005-2006 Biola University.
Biola does not hold the Copyright to any Biblical texts on this site.
Some Biblical texts on this site are in the Public Domain,
and others are Copyrighted by their Copyright holders.