Numbers
  Tagalog: Ang Biblia (1905)
  Numbers 9 [Commentary] [Map] Biblical Art and Illustrations
1 At sinalita ng Panginoon kay Moises sa ilang ng Sinai, sa unang buwan ng ikalawang taon pagkatapos na sila'y makaalis sa lupain ng Egipto, na sinasabi,
2 Bukod sa rito ay ipagdiwang ng mga anak ni Israel ang paskua sa kaniyang kaukulang panahon.
3 Sa ikalabing apat na araw ng buwang ito, sa paglubog ng araw ay inyong ipagdidiwang sa kaniyang kaukulang panahon: ayon sa lahat na palatuntunan niyaon, at ayon sa lahat ng ayos niyaon, ay inyong ipagdidiwang.
4 At si Moises ay nagsalita sa mga anak ni Israel upang ipagdiwang ang paskua.
5 At kanilang ipinagdiwang ang paskua nang unang buwan, sa ikalabing apat na araw ng buwan, sa paglubog ng araw, sa ilang ng Sinai: ayon sa lahat na iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel.
6 At may mga lalake na mga marurumi dahil sa bangkay ng isang tao, na anopa't hindi nila naipagdiwang ang paskua nang araw na yaon; at nagsiharap sila kay Moises at kay Aaron nang araw na yaon:
7 At ang mga lalaking yaon ay nagsipagsabi sa kanila, Kami ay mga marumi dahil sa bangkay ng isang tao: bakit kami ay masasansala na anopa't kami ay huwag maghandog ng alay sa Panginoon sa kaniyang kaukulang panahon na kasama ng mga anak ni Israel?
8 At sinabi ni Moises sa kanila, Maghintay kayo; upang aking marinig ang ipaguutos ng Panginoon tungkol sa inyo.
9 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
10 Salitain mo sa mga anak ni Israel, na iyong sabihin, Kung ang sinomang tao sa inyo o sa inyong sali't saling lahi ay maging marumi dahil sa isang bangkay, o masumpungan sa isang malayong paglalakbay, ay kaniyang ipagdidiwang din ang paskua sa Panginoon:
11 Sa ikalawang buwan nang ikalabing apat na araw sa paglubog ng araw, ay kanilang ipagdidiwang; kanilang kakanin na may mga tinapay na walang lebadura at mga gulay na mapait:
12 Wala silang ititira niyaon hanggang sa kinaumagahan, ni sisira ng buto niyaon: ayon sa buong palatuntunan ng paskua ay kanilang ipagdidiwang.
13 Datapuwa't ang lalaking malinis, at wala sa paglalakbay, at hindi magdiwang ng paskua, ay ihihiwalay ang taong yaon, sa kaniyang bayan; sapagka't siya'y hindi naghandog ng alay sa Panginoon sa kaukulang panahon, ang taong yaon ay magtataglay ng kaniyang kasalanan.
14 At kung ang isang taga ibang bayan ay makikipamayan sa inyo, at ipagdidiwang ang paskua sa Panginoon; ayon sa palatuntunan ng paskua, at ayon sa ayos, ay gayon gagawin niya; kayo'y magkakaroon ng isang palatuntunan, maging sa taga ibang lupa, at maging sa ipinanganak sa lupain.
15 At nang araw na ang tabernakulo ay itayo, ay tinakpan ng ulap ang tabernakulo, sa makatuwid baga'y ang tabernakulo ng patotoo: at sa paglubog ng araw ay nasa ibabaw ng tabernakulo na parang anyong apoy hanggang sa kinaumagahan.
16 Gayon namalagi: ang ulap ang tumakip doon, at ang anyong apoy sa gabi.
17 At kailan pa man ang ulap ay napaitaas mula sa ibabaw ng Tolda ay naglakbay nga pagkatapos ang mga anak ni Israel: at sa dakong tigilan ng ulap ay doon humantong ang mga anak ni Israel.
18 Sa utos ng Panginoon ay nagsisipaglakbay ang mga anak ni Israel, at sa utos ng Panginoon ay humantong sila: kung gaano kalaon ang itigil ng ulap sa ibabaw ng tabernakulo, ay siya nilang ipina-nanatili sa kampamento.
19 At pagka ang ulap ay tumigil sa ibabaw ng tabernakulo na maluwat, ay iningatan ng mga anak ni Israel ang bilin ng Panginoon at hindi naglalakbay.
20 At kung minsan ay nananatiling ilang araw sa ibabaw ng tabernakulo ang ulap; ayon nga sa utos ng Panginoon ay tumitira sila sa mga tolda at ayon sa utos ng Panginoon ay naglakbay sila.
21 At kung minsan ang ulap ay nananatili mula sa hapon hanggang sa kinaumagahan; at pagka ang ulap ay napaitaas sa kinaumagahan, ay naglakbay sila: maging araw maging gabi, na ang ulap ay paitaas, ay naglakbay sila.
22 Maging dalawang araw o isang buwan, o isang taon na nakatigil ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo, na manatili sa ibabaw niyaon, ay tumitira ang mga anak ni Israel sa mga tolda at hindi naglakbay: datapuwa't pagtaas ay naglakbay sila.
23 Sa utos ng Panginoon ay humantong sila, at sa utos ng Panginoon ay naglakbay sila; kanilang iningatan ang bilin ng Panginoon, sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
  Numbers 10 [Commentary] [Map] Biblical Art and Illustrations
1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 Gumawa ka ng dalawang pakakak na pilak; yari sa pamukpok gagawin mo: at iyong gagamitin sa pagtawag sa kapisanan, at sa paglalakbay ng mga kampamento.
3 At pagka kanilang hihipan, ay magpipisan sa iyo ang buong kapisanan sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
4 At kung kanilang hihipan ang isa lamang, ang mga prinsipe nga, ang mga pangulo sa mga libolibong taga Israel, ay magpipisan sa iyo.
5 At paghihip ninyo ng hudyat, ay magsisisulong ang mga kampamento na nasa dakong silanganan.
6 At paghihip ninyo ng hudyat na ikalawa, ay magsisisulong ang mga kampamento na nasa dakong timugan: sila'y hihihip ng isang hudyat para sa kanilang paglalakbay.
7 Datapuwa't pagka ang kapisanan ay magpipisan ay hihihip kayo, nguni't huwag ninyong patutunuging ayon sa hudyat.
8 At ang mga anak ni Aaron, ang mga saserdote, ay magsisihihip ng mga pakakak; at magiging palatuntunan sa inyo magpakailan man sa buong panahon ng inyong mga lahi.
9 At pagka makikipagbaka kayo sa inyong lupain laban sa kaaway na sa inyo'y pumipighati, ay inyo ngang patutunugin ang hudyat ng pakakak; at kayo'y aalalahanin sa harap ng Panginoon ninyong Dios, at kayo'y maliligtas sa inyong mga kaaway.
10 Gayon sa kaarawan ng inyong kasayahan, at sa inyong mga takdang kapistahan, at sa mga pasimula ng inyong mga buwan, ay inyong hihipan ang mga pakakak sa ibabaw ng inyong mga handog na susunugin, at sa ibabaw ng mga hain ng inyong mga handog tungkol sa kapayapaan; at sa inyo'y magiging alaala sa harap ng inyong Dios: ako ang Panginoon ninyong Dios.
11 At nangyari sa ikalawang taon, nang ikalawang buwan, nang ikadalawang pung araw ng buwan, na ang ulap ay napaitaas mula sa tabernakulo ng patotoo.
12 At ang mga anak ni Israel ay nagsisulong, ayon sa kanilang mga paglalakbay mula sa ilang ng Sinai; at ang ulap ay tumahan sa ilang ng Paran.
13 At kanilang pinasimulan ang kanilang paglalakbay ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
14 At unang sumulong ang watawat ng kampamento ng mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga hukbo; at nangungulo sa kaniyang hukbo si Naason na anak ni Aminadab.
15 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Issachar, si Nathanael na anak ni Suar.
16 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Zebulon, si Eliab na anak ni Helon.
17 At ang tabernakulo ay tinanggal at ang mga anak ni Gerson at ang mga anak ni Merari, na mga may dala ng tabernakulo ay nagsisulong.
18 At ang watawat ng kampamento ng Ruben ay sumulong ayon sa kanilang mga hukbo: at nangungulo sa kaniyang hukbo si Elisur na anak ni Sedeur.
19 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Simeon si Selumiel na anak ni Zurisaddai.
20 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Gad, si Eliasaph na anak ni Dehuel.
21 At ang mga Coathita ay nagsisulong na dala ang santuario: at itinayo ng iba ang tabernakulo samantalang ang mga ito'y nagsisidating.
22 At ang watawat ng kampamento ng mga anak ni Ephraim ay nagsisulong ayon sa kanilang mga hukbo: at nangungulo sa kaniyang hukbo si Elisama na anak ni Ammiud.
23 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Manases, si Gamaliel na anak ni Pedasur.
24 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Benjamin, si Abidan na anak ni Gedeon.
25 At ang watawat ng kampamento ng mga anak ni Dan na siyang nasa hulihan ng lahat ng mga kampamento ay nagsisulong ayon sa kanilang mga hukbo: at nangungulo sa kaniyang hukbo si Ahiezer na anak ni Ammisaddai.
26 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Aser si Phegiel na anak ni Ocran.
27 At nangungulo sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Nephtali si Ahira na anak ni Enan.
28 Ganito ang mga paglalakbay ng mga anak ni Israel, ayon sa kanilang mga hukbo; at sila'y nagsisulong.
29 At si Moises ay nagsabi kay Hobab na anak ni Rehuel na Madianita, biyanan ni Moises: Kami ay naglalakbay sa dakong sinabi ng Panginoon, Aking ibibigay sa inyo: sumama ka sa amin at gagawan ka namin ng mabuti: sapagka't ang Panginoon ay nagsalita ng mabuti tungkol sa Israel.
30 At sinabi niya sa kaniya, Ako'y hindi paroroon; kundi ako'y babalik sa aking sariling lupain, at sa aking kamaganakan.
31 At sinabi ni Moises, Huwag mo kaming iwan, ipinamamanhik ko sa iyo; sapagka't nalalaman mo kung paanong hahantong kami sa ilang, at ikaw ay maaari sa aming pinakamata.
32 At mangyayari, na kung ikaw ay sasama sa amin, oo, mangyayari, na anomang mabuting gagawin ng Panginoon sa amin, ay siya rin naming gagawin sa iyo.
33 At sila'y nagsisulong mula sa bundok ng Panginoon ng tatlong araw na paglalakbay; at ang kaban ng tipan ng Panginoon ay nasa unahan nila ng tatlong araw nilang paglalakbay, upang ihanap sila ng dakong kanilang mapagpapahingahan.
34 At ang ulap ng Panginoon ay nasa itaas nila sa araw, pagka sila'y sumulong mula sa kampamento.
35 At nangyari pagka ang kaban ay isinulong na sinabi ni Moises, Bumangon ka, Oh Panginoon, at mangalat ang mga kaaway mo, at magsitakas sa harap mo ang nangapopoot sa iyo.
36 At pagka inilapag ay kaniyang sinabi, Bumalik ka, Oh Panginoon sa mga laksang libolibong Israelita.
  Numbers 11 [Commentary] [Map] Biblical Art and Illustrations
1 At ang bayan ay naging parang mapag-upasala na nagsalita ng masasama sa pakinig ng Panginoon: at nang marinig ng Panginoon ay nagningas ang kaniyang galit; at ang apoy ng Panginoon ay sumunog sa gitna nila, at sinupok ang kahulihulihang bahagi ng kampamento.
2 At ang bayan ay humibik kay Moises; at si Moises ay nanalangin sa Panginoon at ang apoy ay namatay.
3 At ang pangalan ng dakong yaon ay tinawag na Tabera: sapagka't ang apoy ng Panginoon ay sumunog sa gitna nila.
4 At ang halohalong karamihan na nasa gitna nila ay nahulog sa kasakiman: at ang mga anak ni Israel naman ay muling umiyak at nagsabi, Sino ang magbibigay sa atin ng karneng makakain?
5 Ating naaalaala ang isda, na ating kinakain sa Egipto na walang bayad; ang mga pipino, at ang mga milon, at ang mga puero, at ang mga sibuyas, at ang bawang:
6 Nguni't ngayo'y ang ating kaluluwa ay natutuyo; walang kaanoanoman: sa ating harapan ay walang anoman kundi ang manang ito.
7 At ang mana ay gaya ng butil ng culantro, at ang kulay niyaon ay gaya ng kulay ng bdelio.
8 Ang bayan ay dumadaan sa palibot, at pinupulot yaon, at kanilang ginigiling sa mga gilingan, o kanilang dinidikdik sa mga lusong, at kanilang niluluto sa mga palyok, at ginagawa nilang munting tinapay at ang lasa ay gaya ng lasa ng bagong langis.
9 At pagka ang hamog ay nahuhulog sa ibabaw ng kampamento sa gabi, ang mana ay nahuhulog.
10 At narinig ni Moises ang pag-iiyakan ng bayan sa kanikaniyang sangbahayan, na bawa't lalake ay nasa pintuan ng kaniyang tolda; at ang galit ng Panginoon ay nagningas na mainam; at sumama ang loob ni Moises.
11 At sinabi ni Moises sa Panginoon, Bakit mo ginawan ng masama ang iyong lingkod? at bakit hindi ako nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, na iyong iniatang sa akin ang pasan ng buong bayang ito.
12 Akin ba kayang ipinaglihi ang buong bayang ito? ipinanganak ko ba upang iyong sabihin sa akin, Kandungin mo sila sa iyong kandungan, na gaya ng nag-aalagang magulang na kinakandong ang kaniyang batang pasusuhin, sa lupain na iyong isinumpa sa kanilang mga magulang?
13 Saan ako kukuha ng karne upang ibigay sa buong bayang ito? sapagka't sila'y umiyak sa akin, na nagsisipagsabi, Bigyan mo kami ng karneng aming makain.
14 Hindi ko kayang dalhing magisa ang buong bayang ito, sapagka't totoong mabigat sa akin.
15 At kung ako'y ginagawan mo ng ganito ay patayin mo na ako, ipinamamanhik ko sa iyo, kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin; at huwag ko nang makita ang aking kahirapan.
16 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Pisanin mo sa akin ang pitong pung lalake sa mga matanda sa Israel, sa iyong mga nalalaman na mga matanda sa bayan at mga nangungulo sa kanila; at dalhin mo sa tabernakulo ng kapisanan, upang sila'y makatayo roon na kasama mo.
17 At ako'y bababa at makikipag-usap sa iyo doon; at ako'y kukuha sa Espiritung sumasaiyo at aking isasalin sa kanila; at kanilang dadalhin ang pasan ng bayan na kasama mo, upang huwag mong dalhing magisa.
18 At sabihin mo sa bayan, Magpakabanal kayo, para sa kinabukasan, at kayo'y magsisikain ng karne: sapagka't kayo'y nagsisiiyak sa pakinig ng Panginoon, na sinasabi, Sinong magbibigay sa amin ng karne na aming makakain? sapagka't maigi kahit nang nasa Egipto: dahil dito bibigyan kayo ng Panginoon ng karne at kakain kayo.
19 Hindi ninyo kakaning isang araw, ni dalawang araw, ni limang araw, ni sangpung araw, ni dalawang pung araw;
20 Kundi isang buong buwan, hanggang sa lumabas sa inyong mga ilong, at inyong kasuyaan: sapagka't inyong itinakuwil ang Panginoon na nasa gitna ninyo, at kayo'y umiyak sa harap niya, na nagsasabi, Bakit kami nakaalis sa Egipto?
21 At sinabi ni Moises, Ang bayan na kinaroroonan ko, ay anim na raang libong katao na nakatayo; at iyong sinabi, Akin silang bibigyan ng karne na kanilang makakain sa buong buwan.
22 Papatayin ba kaya ang mga kawan at mga bakahan, upang magkasya sa kanila? o ang lahat ng isda sa dagat at titipunin sa kanila upang magkasya sa kanila?
23 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Umikli na ba kaya ang kamay ng Panginoon? ngayo'y makikita mo kung ang aking salita ay matutupad sa iyo o hindi.
24 At si Moises ay lumabas, at isinaysay sa bayan ang mga salita ng Panginoon: at siya'y nagpisan ng pitong pung lalake sa mga matanda sa bayan at kaniyang pinatayo sa palibot ng Tolda.
25 At ang Panginoon ay bumaba sa ulap, at nagsalita sa kaniya; at kumuha sa Espiritung sumasakaniya at isinalin sa pitong pung matanda: at nangyari, na nang sumakanila ang Espiritu, ay nanganghula, nguni't hindi na sila umulit.
26 Nguni't naiwan ang dalawang lalake sa kampamento, na ang pangalan ng isa ay Eldad, at ang pangalan ng isa ay Medad: at ang Espiritu ay sumasakanila; at sila'y kabilang sa nangasulat, nguni't hindi nagsilabas sa Tolda: at sila'y nanghula sa kampamento.
27 At tumakbo ang isang binata, at isinaysay kay Moises, at sinabi, Si Eldad at si Medad ay nanghuhula sa kampamento.
28 At si Josue na anak ni Nun, na tagapangasiwa ni Moises, na isa sa kaniyang mga piling lalake, ay sumagot at nagsabi, Panginoon kong Moises, pagbawalan mo sila.
29 At sinabi ni Moises sa kaniya, Ikaw ba'y may paninibugho sa akin? ibigin nawa na ang buong bayan ng Panginoon ay maging propeta na isakanila ng Panginoon ang kaniyang Espiritu!
30 At naparoon si Moises sa kampamento, siya at ang mga matanda sa Israel.
31 At lumabas ang isang hanging galing sa Panginoon, at nagdala ng mga pugo na mula sa dagat, at pinalapag sa kampamento na may isang araw lakarin sa dakong ito, at isang araw lakarin sa kabilang dako sa palibot ng kampamento, at nagsilipad na may dalawang siko ang taas sa balat ng lupa.
32 At ang bayan ay nangakatindig ng buong araw na yaon at ng buong gabi, at ng buong ikalawang araw, at nagsipanghuli ng mga pugo; yaong kaunti ang napisan ay nakapisan ng sangpung homer: at kanilang ikinalat para sa kanila sa buong palibot ng kampamento.
33 Samantalang ang karne ay nasa kanilang mga ngipin pa, na hindi pa nila nangunguya ay nagningas laban sa bayan ang galit ng Panginoon at sinaktan ng Panginoon ang bayan ng isang salot na di kawasa.
34 At ang pangalan ng dakong yaon ay tinawag na Kibroth-hattaavah; sapagka't doon inilibing nila ang bayang sakim.
35 Mula sa Kibroth-hattaavah ay naglakbay ang bayan na patungo sa Haseroth; at sila'y tumira sa Haseroth.
  Ang Biblia
Philippines Bible Society (1905), Tagalog (Philippines National Language)
Bible is Recognized by its Title (Ang Biblia) or (Ang Dating Biblia)
Typed From the Ang Biblia Tagalog, by Richard und Dolores Long.

This Bible is now Public Domain.

Imported from Zefania XML Bible Markup Language.



This Website is Copyright © 2005-2006 Biola University.
Biola does not hold the Copyright to any Biblical texts on this site.
Some Biblical texts on this site are in the Public Domain,
and others are Copyrighted by their Copyright holders.